Monday, March 14, 2011

Panalangin ng Mag-aaral (Panalangin ni Santo Tomas de Aquino)

Manlilikha ng lahat,
Tunay na bukal ng liwanag at karunungan,
Pinagmulan ng lahat ng buhay,
Mapagpala mong tulutang masinagan ng Iyong ilaw 
ang karimlan ng aking pag-unawa.
Kunin mo sa akin ang lubos na karimlan na aking pinagkapanganakan, 
ang kadiliman ng kasalanan at kawalan ng malay.
Bigyan mo ako ng matalas na pag-unawa, matandaing alaala, 
at ang kakayahang makaintindi nang tama at matatag.
Bigyan mo ako ng kakayahang maging ganap sa aking mga pagpapaliwanag, 
at magpahayag ng sariling isip nang lubos at kaaya-aya.
Ituro ang simula, mamatnubay sa pagsulong, at umalalay sa kabuuhan.
Sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.
Amen. 

Panalangin ni San Alberto Magno

Kami’y dumadalangin sa’Yo, o Panginoon,
na pinakarurok ng Katotohanan,
Sa ‘Yo nagmumula ang lahat ng totoo.
Kami’y dumudulog sa ‘Yo, o Panginoon,
Na kataas-taasang Kabatiran,
Para sa karunungan, ang lahat ng marurunong ay umaasa sa ’Yo.
Ikaw ang pinakarurok ng Kasiyahan,
Ang lahat ng may saya’y utang ito sa ‘Yo.
Ikaw ang Liwanag ng bawat isip,
At lahat ng kaliwanagan ay nagmumula sa ‘Yo.
Minamahal Ka namin; higit sa lahat, Ika’y minamahal.
Hinahanap Ka namin, sinusundan,
At handi kaming Ika’y paglingkuran.
Ibig naming manahan sa ilalim ng ‘Yong kapangyarihan,
‘Pagkat Ikaw lamang ang Diyos ng sanlibutan.
Amen.

Panalangin ni San Anselmo ng Canterbury ("O Babaeng lubos na maawain")

O Babaeng lubos na maawain,
Ano ba’ng aking mawiwika tungkol sa mga luhang bumukal 
mula sa iyong kalinis-linisang mga mata, 
nang mamistula mo sa harapan mo ang Iyong anak na nakatali, bugbog at sugatan?
Ano ba’ng aking alam sa luhang bumaha sa mukha mong walang kaparis, nang mamalas mo ang iyong Anak, iyong Panginoon, iyong Diyos, na nakabayubay sa Krus nang walang sala, nang ang laman ng iyong laman ay walang-awa kong kinatay?
Paano ko mahuhusgahan kung anong hagulgol ang lumigalig sa kalinis-linisan mong dibdib nang marinig mo ang “Babae, narito ang iyong anak” at sa disipulo’y “Narito ang iyong Ina”, nang tanggapin mong anak ang tagasunod kapalit ng amo, ang lingkod kapalit ng Panginoon?  

Wednesday, March 9, 2011

Panalangin ni Santo Tomas de Aquino (Ang Banal na Krus)

Ang Krus ay tiyak kong kaligtasan,
Ang Krus ay lagi kong sinasamba,
Ang Krus ng Poon ko’y laging sumasaakin,
Ang Krus ang kanlungan ko sa tuwina.
Amen. 

Panalangin ni San Patricio ng Irlanda

Kristo, sumaakin, Kristo sa aking kaibuturan,
Kristo sa’king likod, Kristo sa aking harapan,
Kristo sa aking tabi, Kristong sa aki’y tutubos,
Kristong sa aki’y papanatag at bubuo,
Kristo sa’king kailaliman, at sa aking kaitaasan,
Kristo sa panganib at sa katahimikan,
Kristo sa puso ng lahat ng nagmamahal,
Kristo sa dila ng estranghero’t kaibigan.

Panalangin ni San Ignacio de Antioquia ("Ako'y Trigo ng Diyos")

Ako’y trigo ng Diyos, at siyang dinudurog ng mababangis na hayop, 
upang maging dalisay na tinapay ng Panginoon.
Naghahangad ako sa Panginoon, ang Anak ng tunay na Diyos Ama, si Hesukristo.
Siya’y aking hinahanap, siyang namatay at nabuhay para sa ating lahat.
Aking inaasam-asam ang para kay Kristo’y mamatay.
Ang pag-ibig ko na’y ipinako na’t nakabayubay, 
at wala nang nag-aalab sa’king upang mayroong mamahal.
Ngunit may buhay na tubig na bumubukal sa aking kaloob-looban, 
at nagsasabi nga sa aking kaibuturan:
“Humalina, humalina sa Ama.”
Amen.   

Tuesday, March 8, 2011

Panalangin ni Santo Tomas de Aquino ("Gawaran Ako")

Gawaran ako, o Panginoon kong Diyos,
ng isip na makakikilala sa 'Yo, 
ng pusong makapaghahanap sa 'Yo, 
ng asal na kaaya-aya sa ‘Yo, 
ng tapat na katiyagaan sa paghihintay sa ‘Yo, 
at ng pag-asang sa wakas ay makayayakap din sa 'Yo. 
Amen.