Monday, March 14, 2011

Panalangin ng Mag-aaral (Panalangin ni Santo Tomas de Aquino)

Manlilikha ng lahat,
Tunay na bukal ng liwanag at karunungan,
Pinagmulan ng lahat ng buhay,
Mapagpala mong tulutang masinagan ng Iyong ilaw 
ang karimlan ng aking pag-unawa.
Kunin mo sa akin ang lubos na karimlan na aking pinagkapanganakan, 
ang kadiliman ng kasalanan at kawalan ng malay.
Bigyan mo ako ng matalas na pag-unawa, matandaing alaala, 
at ang kakayahang makaintindi nang tama at matatag.
Bigyan mo ako ng kakayahang maging ganap sa aking mga pagpapaliwanag, 
at magpahayag ng sariling isip nang lubos at kaaya-aya.
Ituro ang simula, mamatnubay sa pagsulong, at umalalay sa kabuuhan.
Sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.
Amen. 

Panalangin ni San Alberto Magno

Kami’y dumadalangin sa’Yo, o Panginoon,
na pinakarurok ng Katotohanan,
Sa ‘Yo nagmumula ang lahat ng totoo.
Kami’y dumudulog sa ‘Yo, o Panginoon,
Na kataas-taasang Kabatiran,
Para sa karunungan, ang lahat ng marurunong ay umaasa sa ’Yo.
Ikaw ang pinakarurok ng Kasiyahan,
Ang lahat ng may saya’y utang ito sa ‘Yo.
Ikaw ang Liwanag ng bawat isip,
At lahat ng kaliwanagan ay nagmumula sa ‘Yo.
Minamahal Ka namin; higit sa lahat, Ika’y minamahal.
Hinahanap Ka namin, sinusundan,
At handi kaming Ika’y paglingkuran.
Ibig naming manahan sa ilalim ng ‘Yong kapangyarihan,
‘Pagkat Ikaw lamang ang Diyos ng sanlibutan.
Amen.

Panalangin ni San Anselmo ng Canterbury ("O Babaeng lubos na maawain")

O Babaeng lubos na maawain,
Ano ba’ng aking mawiwika tungkol sa mga luhang bumukal 
mula sa iyong kalinis-linisang mga mata, 
nang mamistula mo sa harapan mo ang Iyong anak na nakatali, bugbog at sugatan?
Ano ba’ng aking alam sa luhang bumaha sa mukha mong walang kaparis, nang mamalas mo ang iyong Anak, iyong Panginoon, iyong Diyos, na nakabayubay sa Krus nang walang sala, nang ang laman ng iyong laman ay walang-awa kong kinatay?
Paano ko mahuhusgahan kung anong hagulgol ang lumigalig sa kalinis-linisan mong dibdib nang marinig mo ang “Babae, narito ang iyong anak” at sa disipulo’y “Narito ang iyong Ina”, nang tanggapin mong anak ang tagasunod kapalit ng amo, ang lingkod kapalit ng Panginoon?  

Wednesday, March 9, 2011

Panalangin ni Santo Tomas de Aquino (Ang Banal na Krus)

Ang Krus ay tiyak kong kaligtasan,
Ang Krus ay lagi kong sinasamba,
Ang Krus ng Poon ko’y laging sumasaakin,
Ang Krus ang kanlungan ko sa tuwina.
Amen. 

Panalangin ni San Patricio ng Irlanda

Kristo, sumaakin, Kristo sa aking kaibuturan,
Kristo sa’king likod, Kristo sa aking harapan,
Kristo sa aking tabi, Kristong sa aki’y tutubos,
Kristong sa aki’y papanatag at bubuo,
Kristo sa’king kailaliman, at sa aking kaitaasan,
Kristo sa panganib at sa katahimikan,
Kristo sa puso ng lahat ng nagmamahal,
Kristo sa dila ng estranghero’t kaibigan.

Panalangin ni San Ignacio de Antioquia ("Ako'y Trigo ng Diyos")

Ako’y trigo ng Diyos, at siyang dinudurog ng mababangis na hayop, 
upang maging dalisay na tinapay ng Panginoon.
Naghahangad ako sa Panginoon, ang Anak ng tunay na Diyos Ama, si Hesukristo.
Siya’y aking hinahanap, siyang namatay at nabuhay para sa ating lahat.
Aking inaasam-asam ang para kay Kristo’y mamatay.
Ang pag-ibig ko na’y ipinako na’t nakabayubay, 
at wala nang nag-aalab sa’king upang mayroong mamahal.
Ngunit may buhay na tubig na bumubukal sa aking kaloob-looban, 
at nagsasabi nga sa aking kaibuturan:
“Humalina, humalina sa Ama.”
Amen.   

Tuesday, March 8, 2011

Panalangin ni Santo Tomas de Aquino ("Gawaran Ako")

Gawaran ako, o Panginoon kong Diyos,
ng isip na makakikilala sa 'Yo, 
ng pusong makapaghahanap sa 'Yo, 
ng asal na kaaya-aya sa ‘Yo, 
ng tapat na katiyagaan sa paghihintay sa ‘Yo, 
at ng pag-asang sa wakas ay makayayakap din sa 'Yo. 
Amen. 

Panalangin ni San Anselmo ng Canterbury

Panalangin ni San Anselmo ng Canterbury

Poon, Diyos ko’y tanging Ikaw, 
Ikaw lamang ang Panginoon kong tunay, 
ngunit di pa kita nasusumpungan. 
Nilikha Mo ako’t nilikhang muli, 
handog Mo sa aki’y lahat ng bagay na mabuti, 
ngunit di pa kita natatagpuan. 
Nilikha ako upang Ika’y makita, 
ngunit di ko pa ito naisasangkatuparan.

Poon, hanggang kailan? 
Hanggang kailan mo kami lilimutin, 
hanggang kailan mo itatago ang iyong mukha mula sa amin? 
Kailan mo kami pagmamasdan at diringgin? 
Kailan mo ididilat ang iyong mga mata at ihahayag ang mukha Mo? 
Kailan mo ibabalik sa amin ang sarili Mo?

Poon, turuan Mo akong maghanap sa Iyo, 
at sa aking paghahanap, ang sarili’y ihayag Mo, 
pagkat kung ‘di Ka magturo’y ‘di kita mahahanap, 
at ‘di matatagpuan kung ‘di Ka maghayag. 
Hayaan mong sa aking pananabik ay hanapin Kita, 
at sa aking paghahanap ay panabikan ka. 
Hayaan mong matagpuan Ka sa pagsinta, 
at sa pagtagpo’y masinta Ka.

Amen. 

Ina ng Hapis (Hango sa tradisyonal na awit na "Stabat Mater")

Ina ng Hapis

Hango sa “Stabat Mater” (tradisyonal)


Sa paanan ng krus na pinagpakuan,
Hanggang sa huli, kay Hesus, kasama
Ang Ina ng Hapis na pumapasan
sa sakit at hinagpis ng pinahirapang Anak.

Sabay sa Diyos ang kanyang pasakit,
Sa puso rin niya, dama ang lupit.
Si Hesus, nakabayubay at hirap,
Sa harap niya ay kaawa-awang tumambad.

Kay lungkot nga ng kanyang paglingap
Sa Anak niyang walang-awang nilibak.
Hinamak, sugatan at naghihingalo,
Upang mabayaran ang sala ng mundo.

Sino ba ang ‘di makakayanan,
Sino ba ang kayang mapigilang
Makisalo sa hinagpis ng Ina ng awa
At makisama sa kaniyang tuwirang pagluha?

Tulutan mo nawa ako, Ina,
Na ngayo’y akin ring madama
Ang hinagpis ng Tagapag-adya
At sakit ng pag-aalay Niya.

O Ina, ako ngayo’y pahintulutan,
Na sa iyo’y tumabi’t magbantay,
Sa paanan ng krus na pinagpakuan,
At samahan si Kristong nakabayubay.
Amen.

Panalangin ni Beato Miguel Agustin Pro, SJ

Panalangin ni Beato Miguel Agustin Pro, SJ

Hayaan mong ako’y tumabi nang buong buhay sa iyo, aking Ina, 

at maging kaakibat sa hapdi ng iyong pag-iisa at walang-maliw na sakit. 
Hayaan mong madama ng aking kaluluwa ang masiphayo mong pagluha at pangungulila ng iyong puso.


Sa aking paglalakbay, ‘di ko nais matamo ang ligaya sa sabsaban
habang sinasamba ang Sanggol na kalong-kalong ng iyong mga kamay. 
‘Di ko hiling na maranasan ang mapangibig na piling ni Hesus sa tahanan sa Nazaret. 
‘Di ko ibig ang makasama ka sa dakilang pag-akyat mo sa langit.


Sa buo kong buhay, hanap-hanap ko ang pagluray at pagdusta sa Kalbaryo; 
ang pasakit ng iyong Anak, ang pait at kahihiyan ng kanyang Krus. 
Nais kong tumabi sa ‘Iyo, Inang naghihignapis, nang mapalakas ang aking kaluluwa ng iyong mga luha, nang mapuno ang puso ko ng iyong pag-iisa, nang maibig ko ang Diyos ko at Diyos mo sa pagpako ng aking katauhan.  

Huli Na Nang Ika’y Mahalin (Panalangin ni San Agustin ng Hippo)

Huli Na Nang Ika’y Mahalin
(Panalangin ni San Agustin ng Hippo)


Huli na nang Ika’y mahalin, huli na,                          
O Kagandanhang bago’t noon pa!                          
Ika’y mapanuyong nanahan sa loob ko,                 
Ngunit sa labas Kita hinanap at tinungo.              
Ako’y nagpasasa sa ganda ng ‘Yong likha.                
Nasa akin Ikaw, ngunit ako sa ‘Yo’y wala. 
Bumihag sa akin ang Iyong mga gawa,              
Ngunit kung ‘di sa ‘Yo, sila’y di madama.                                
Tumawag Ka, humiyaw, at pagkabingi ko’y nawala,                                                                       
Umilaw Ka, nagningas, at ako’y nakakita.        
Ikinalat mo sa akin ang Iyong halimuyak                
Ito’y naamoy, at Ikaw na’y hanap-hanap.                
Ikaw nga  ay akin nang nanamnam                             
At ngayon, sa ‘Yo ako gutom at uhaw.                  
 Ang marahan mong haplos ay aking naramdaman,                                                               
 At nangangati ako ngayon sa ‘Yong kapayapaan.

Monday, March 7, 2011

Panalangin sa Sugat ni Hesus sa Balikat (Panalangin ni San Bernardo ng Clairvaux)

Panalangin sa Sugat ni Hesus sa Balikat

Hesus na Mapagmahal, Butihing Kordero ng Diyos, 

akong makasalanan ay nagbibigay-pugay at sumasamba 
sa Banal na Sugat sa Iyong Balikat,
kung saan mo pinasan ang krus mong mabigat, 
ang nagwasak ng Iyong Laman at nagpamalas ng Iyong Buto, 
at siyang nagdala sa Iyo ng hapding mas masakit 
sa kahit anupamang sugat sa iyong Banal na Katawan.


Ikaw ay sinasamba ko, Hesus na nahahapis; 
pinupuri,linuluwalhati’t pinasasalamatan Kita 
pakundangan sa mahapdi at mahal na Sugat Mo. 
Ako’y dumudulog sa ‘Yo na sa pamamagitan ng Iyong walang-kapantay na sakit 
at Krus na walang kasimbigat, 
ay kaawan Mo akong makasalanan, 
patawarin Mo ang lahat ng aking pagsuway, 
at dalhin ako patungong langit sa landas ng Iyong Krus. 
Amen.

Ang Tinapay ng mga Anghel (Salin ng Panis Angelicus ni Santo Tomas de Aquino)

Ang Tinapay ng mga Anghel

Ang tinapay ng mga anghel, sa tao’y naging tinapay,

Ang tinapay ng Langit na magwawakas sa lahat ng pangangatawan.

Kay dakilang bagay!
Na ang tatanggap sa Poon
ay hamak na tao lamang.

Kami’y lumuluhog sa Inyo,
Dakilang ‘Santatlo,
Kami’y inyong datnan
Sa aming pagsamba.
Dalhin sa tamang daan
Kaming naghahangad na maratnan
Ang ilaw ng Inyong tahanan.

Amen.

Panalangin ni San Juan Chrysostom (Bago Tumanggap ng Komunyon)

Panalangin ni San Juan Chrysostom                    
(Bago Tumanggap ng Komunyon)



O Panginoong aking Diyos, 
hindi ako karapat-dapat
Upang sa aking kaluluwa, ikaw ay manahan,
Ngunit ako ay galak na ikaw ay dumating, 
Dahil sa iyong mapanuyong kabutihan
Ikaw ay naghangad na ako’y sapitan.

Hangad mong buksan ko ang pintuan
Ng aking kaluluwang ikaw lamang ang lumikha,
Upang nang may mapangibig na kabaitan,
Papasok ka rito at papawiin
Ang lahat ng kasamaan at dilim. 

Ako’y sumasampalatayang ito’y iyong gagawin
‘Pagkat ‘di mo itinakwil si Maria Magdalena
Nang ikaw ay lapitang may hinaing.
Kahit ang mambubuwis ay ‘di mo pinalayas
Nang siya ay humingi ng pagpapatawad,
Ni pinagkaitan ang hamak na magnanakaw
Nang sa krus ay humingi ng kapatawaran. 
Datapwat kaibigan ang Iyong turing
Sa lahat ng bumabalik sa ‘Yong piling. 
O Diyos, ikaw lamang ang banal
Noon, ngayon at magpakailanman.
Amen.

Sa Ilalim ng Iyong Pagkalinga (Salin ng Sub Tuum Praesidium, panalangin sa Mahal na Birhen)

Sa Ilalim ng Iyong Pagkalinga

Sa ilalim ng iyong pagkalinga, 
kami’y sumisilong, 
Santang Ina ng Diyos.
Huwag mong tanggihan ang aming mga panalangin, 
sa pangangailangan namin, 
datapwat iligtas mo kami sa lahat ng panganib, 
Birheng Maluwalhati’t Banal.

Ako'y Aba (Salin ng Infelix Ego ni Girolamo Savonarola)

Ako'y Aba

Ako’y aba, sa lahat ng saklolo’y dukha,
Akong nagkasala sa langit at lupa.

Saan ako tutungo, saan magtatago,
Kanino magsusumamo?
Sinong mahahabag sa pusong ito?
‘Di mangahas sumulyap sa kalangitan,
‘Pagkat ang nagawa sa kanya’y kasalanan,
Sa lupa’y hindi makahanap ng kanlungan,
‘Pagkat ako’y tinuring niyang lapastangan.
Ano ang aking gagawin?
Maghihinagpis ba? Hindi nawa.
Ang Diyos ay puno ng awa,
Puno ng pagsuyo ang Tagapag-adya.

Kung gayon, Diyos lamang ang kanlungan,
Pagkat nilikha Niya’y ‘di Niya kamumuhian,
Ang kawangis Niya’y ‘di niya ipagtatabuyan.

Anupa’t, sa ‘Yo, mapanuyong Diyos,
Ako’y lalapit na lumbay at lungkot,
Pag-asa ko’y tanging Ikaw,
Kanlungan ko’y Ikaw lamang.
Ano nga ang dapat mawika
Kung ‘di mataas ang mga mata?
Wikang pulos hapis ang siyang bibigkasin,
Pag-awa Mo’y lilimusin, at aking wiwikain:
Ako'y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang- loob.”

Aba Katawang Tunay (Salin ng Ave Verum Corpus ni Santo Tomas de Aquino)

Aba Katawang Tunay

Aba, Katawang tunay na isinilang ng Birheng Maria,
Na pinahirapang lubusan
at sa krus ay inalay para sa sangkatauhan,
Na pinagdaluyan ng dugo at tubig ang tagiliran,
Nawa’y sa pagusbok ng kamataya’y 
maging paunang tikim ng kalangitan.
Hesus na matamis,
O Hesus na maawain,
O Hesus na anak ni Maria, kaawan mo kami.
Amen. 

Aba Reyna ng Kalangitan (Salin ng Ave Regina Caelorum, panalangin sa Mahal na Birhen)

Aba Reyna ng Kalangitan

Aba, Reyna ng Kalangitan!
Reyna ng anghel at banal!
Ay! Ugat! Ay! Lagusang
Pinagsinagan ng aming Tanglaw!

Magdiwang, Birheng pinagpala,
Dalagang walang kasing-ganda!
Paalam, pinaka-iirog
At kay Kristo kami'y laging iluhog!
Amen.

Panalangin ni San Juan Maria Vianney (Salin ng "I Love You, O My God")

Mahal kita, o aking Diyos at ang tangi kong ibig ay ibigin Ka 
hanggang sa aking huling paghinga. 

Mahal kita, o Diyos na kaibig-ibig nang walang hanggan, 

at mas nanaiisin ko pang mamatay nang Ika’y iniibig
kaysa mabuhay nang ‘di Ka minamahal. 

Mahal kita, Panginoon, at ang tangi kong hiling 

ay ang ibigin Ka nang walang humpay.

O Diyos ko, kung ‘di ko masambit sa bawat sandali na mahal Kita, 

ibig kong ang aking puso’y paulit-ulitin ito sa bawat paghinga. 

Amen.

Panalangin ni San Francisco de Asis (Salin ng Peace Prayer of St. Francis of Assisi)

Panalangin ni San Francisco de Asis

Poon, nawa’y ako’y Iyong tulutang
Maging kasangkapan ng iyong kapayapaan.
Sa pagkamuhi, nawa’y maitanim ko ang pag-ibig,
Sa sakit, pagpapatawad,
Sa duda, pananalig,
Sa hapis, pag-asa
Sa karimlan, liwanag,
Sa kalungkutan, saya. 

O Mabathalang Poon, nawa’y di ko hangarin
Ang mamanatag kaysa ang magpanatag, 
Ang maintindihan kaysa ang umintindi,
Ang mahalin kaysa ang magmahal. 

Sapagkat nasa pagbibigay ang mabigyan, 
Nasa pagpapatawad ang mapatawad,
At nasa kamatayan ang buhay na walang hanggan.


Amen.

Dalang-hangin

Ang mga panalangin nating mga Katoliko ay  kayamanang dapat pag-ingatan, dapat pangalagaan at dapat pahalagahan. Ang mga ito'y nagsisilbing koneksyon natin sa Diyos at nakaraan ng ating pananampalataya, upang tayo'y makarating sa ating dapat paroonan.

Ang mga panalangin sa blog na ito ay mga panalanging dinala ng hangin patungo sa ating bansang Pilipinas. Ngunit dahil banyaga, minarapat ng may-akda ng blog na ito na isalin ang mga dasal sa wikang ating-atin: ang Wikang Filipino. Sa gayon ay ang mga dalanging itong dinala ng hangin ay magiging tila simoy ng hangin na nagdudulot ng kapayapaan at katiwasayan sa buhay.

Sa higit na ikaluluwalhati ng Diyos.